Dahil sa umano’y sobrang awa sa inang may sakit na cancer, isang 30-anyos na Tsinay ang hinihinalang nagpakamatay matapos na matagpuan itong lumulutang sa Manila Bay, Ermita, Maynila kahapon ng umaga.
Ang biktima ay inilarawan na may katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng eyeglasses, nakaputing t-shirt, itim na pantalon at sapatos.
Lumalabas sa imbestigasyon na natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-6:30 ng umaga ng isang Gillette Flores sa Manila Bay sa harapan ng Decision T-Bar sa panulukan ng Roxas Blvd. at Sinagoga St., Ermita.
Sa ibinigay na testimonya ni Flores, sinabi nitong dakong alas-3 ng madaling-araw ay nakausap pa umano nito ang biktima habang umiiyak at nakaupo sa seawall ng nasabing lugar. Sinabi umano ng biktima kay Flores na sa Binondo ito nakatira at kaya umiiyak ay dahil sa sobrang pag-aalala sa kanyang inang may sakit na cancer at may taning na ang buhay.
Bunsod nito’y pinayuhan pa umano ni Flores at ng isang di-nakilalang balut vendor ang biktima na hindi dapat dalhin ng mabigat ang suliranin nito at dahil sa inaakalang napahupa na ang biktima ay iniwan na nila ito.
Hindi umano akalain ni Flores na magigisnan nila ang biktima na nakalutang na sa dagat. Nakuha mula sa katawan ng biktima ang apat na singsing, isang bracelet at pulang wallet na may lamang mahigit P1,000. Gayunman, iniimbestigahan pa rin ng pulisya kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima. (Grace dela Cruz)