Binalaan ng pamunuan ng Manila Police District ang mga umano’y mga “kotong cops” at abusadong pulis-Maynila na bilang na ang araw ng mga ito matapos na buhayin ang isang grupo ng kapulisan na manghuhuli sa mga police scalawags.
Ipinaliwanag ni MPD Director Senior Supt. Danilo Abarzosa na nagtatag sila ng “Task Group Katapat” na mangangasiwa sa pag-monitor at pag-iimbestiga sa mga tiwaling pulis.
Itinatag ang naturang grupo bunga ng mga report na natatanggap ng MPD hinggil sa illegal na gawain ng mga ilang pulis na nagbibigay ng hindi magandang imahe at mababang pagtingin ng mga tao sa kapulisan.
Maliban sa pagsasagawa ng imbestigasyon at pagmomonitor, idodokomento rin ng grupo ang iligal na aktibidad ng naturang mga pulis na basehan sa pagsasampa ng kaso laban sa mga ito.
Mamumuno sa TG Katapat si Chief Insp. Dominador Arevalo, Jr. na nagsabing magiging matagumpay lamang ang Task Group sa pakikipagtulungan ng publiko.
Anumang impormasyon hinggil sa mga tiwaling pulis ay maitatawag sa cellphone no. 09198939848 at telephone no. 5361789. Lahat ng tawag ay mananatiling confidential. (Grace dela Cruz)