Holdaper nang-agaw ng baril ng parak, natodas

Nabaril at napatay ng isang pulis ang suspek sa pangho­holdap sa loob mismo ng pre­sin­to sa Maynila matapos umanong mang-agaw ng baril ang huli habang iniimbestigahan, kama­kalawa ng hapon sa Ermita, Maynila.

Hindi na umabot ng buhay sa Manila Doctors Hospital sanhi ng tama ng bala ng baril sa ulo at dibdib si Angelito Lanceta,32 ng 1709 DPWH compound Sta. Ana Maynila at umano’y miyem­bro ng “Robin Padilla gang”.               

Lumalabas sa imbestigasyon ni Det.Carlos Santos ng Manila Police District (MPD) Homicide division na dakong alas-5:45 ng hapon ng maganap ang insi­dente sa loob ng MPD Station 5 habang iniimbestigahan si Lanceta ni P03 Alvin Plantado.                Si Lanceta  ay dinala sa nasa­bing himpilan ng mga barangay tanod ng Brgy 676 Zone 73 Dis­trict 5 matapos itong ireklamo ng panghoholdap ng isang Evelyn Egloria,saleslady na  natanga­yan ng pera at cellular phone. Subalit habang iniimbestigahan ito  ay bigla na lamang umano nitong inagaw ang service fire­arm ni Plantado hanggang sa mag-agawan ang dalawa.

Napadaan naman si SPO2 Antonino Cruz Jr., 41, at officer-in-charge ng follow-up unit ng MPD station 5 at nasaksihan nito na nakatutok ang baril na hawak ni Lanceta kay Plantado kayat napilitan umano itong bumunot ng baril at binaril si Lanceta  sa ulo na naging sanhi ng kanyang kamatayan. Agad namang  su­muko sa kan­yang mga kabaro si Cruz ma­tapos ang pamamaril. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments