Presyo ng LPG tataas pa ng P5.50 kada tangke

Dahil sa biglaang pagtaas ng contact price sa pan­da­igdigang pamilihan ay nagpa­hayag ng panibagong pagtaas ang isang grupo kahapon sa presyo ng kanilang Liquified Petrolium Gas (LPG).

Ayon kay Liquefied Petro­leum Gas Marketers Associa­tion (LPGMA) President, Arnel Ty, simula sa darating na Biyernes ay mararamdaman ang panibagong 50 sentimos kada kilo o kabuuang P5.50 kada 11 kg na tangke ang ma­dadagdag sa presyo ng LPG.

Paliwanag pa ni Ty na umabot ng $10 ang itinaas ng contact price ng LPG sa pan­daigdigang pamilihan nitong Hulyo at inaasahan pang magtataas ito sa mga susunod na buwan dahil sa taas ng demand lalo na sa pagpasok ng “ber months”.

Paliwanag pa ni Ty na kung hindi dahil sa paglakas ng piso kontra dolyar ay posibleng lumobo na ang presyo ng LPG sa world market at hindi lang 50 sentimos kada kilo ang maaring itaas nito.

Samantala nagbabala pa si Ty na inaasahan  na masu­sundan pa ng ilang ulit ang pagtaas ng presyo ng LPG dahil sa pagpasok ng taglamig sa ibang bansa kung saan mahirap ang umangkat ng produkto at napakataas ng demand nito sa pandaigdigang pamilihan. (Edwin Balasa)

Show comments