Naglunsad ng all out war campaign si Quezon City Mayor Feliciano “SB” Belmonte laban sa mga sasakyan na ilegal na nakahimpil sa mga sidewalks at mga lansangan sa QC.
Ayon kay Mayor Belmonte, kasama sa hakbanging ito ang pagtatanggal din sa mga ilegal na straktura na naitayo sa mga sidewalks at daan na nagiging ugat ng trapik at nakakaabala sa daloy ng trapiko.
Inatasan ni Belmonte ang mga tanggapan sa QC hall na imonitor at ilista ang lahat ng mga lansangan sa lunsod na kakikitaan ng mga illegal structures at mga sasakyan na ginagawa ng parking area ang mga daan.
Kaugnay nito, inatasan ni Belmonte ang City Secretary’s Office at ang Novaliches District Center OIC Tadeo Palma na humanap ng impounding area sa district 2 para paglagakan ng mga ma-iimpound na sasakyan kaugnay ng kampanyang ito.
Ang pondo anya na ibabayad sa naturang impounding area ay magmumula sa retrieval fees ng mga may-ari ng sasakyan na makukumpiska. May P2,000 halaga ang penalty para sa impounding vehicles at kumpiskadong plaka ng sasakyan. (Angie dela Cruz)