Paslit patay sa ligaw na bala sa riot ng 2 gang

Patay ang isang grade 5 pupil makaraang mahagip ito ng ligaw na bala nang mag-riot at magbarilan ang dalawang grupo ng kabataan na pawang mga miyembro ng magkala­bang gang, kamakalawa ng hapon sa Taguig  City.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-3 ng hapon nang mangyari ang nasabing insi­dente sa mismong PNP Site, East Service Road, nabanggit na lungsod.

Nabatid na nag-ugat ang pag­kakasawi ng biktima na kinilala lamang sa pangalang Baby, mag-aaral  sa Tenement Elementary School sa Brgy. Western Bicutan, makaraang mag-riot ang dalawang grupo ng kabataang gang na pawang nagmula sa Sitio Tago-Tago at Sitio Masigasig ng nabanggit na lugar.

 Napag-alaman na una umanong nagkaroon ng batu­han sa pagitan ng nasabing dalawang grupo na kalaunan ay nauwi na sa barilan dahilan upang mahagip ng ligaw na bala ang nasabing paslit na noon ay kasalukuyang nagla­laro.

Lumalabas naman sa isinagawang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operations (SOCO) na nagtamo ng isang tama ng bala sa ulo mula sa hindi pa nababatid na kalibre ng baril ang biktima dahilan upang agad itong masawi. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments