Isang 15 anyos na dalagita ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pag-inom ng lason dahil hindi nito nakayanan ang matinding kahihiyan matapos itong gahasain kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.
Patay na nang idating sa Pagamutan Bayan ng Malabon ang biktimang si Maria Jessica Guerrero, estudyante at residente ng #58 C. Arellano St., ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa report ni PO2 Bobby Mario Egera, may hawak ng kaso, bandang ala-1:00 ng madaling-araw nang ma tagpuan ang bumubulang bibig ng biktima sa loob ng bahay nito sa naturang lugar.
Batay sa naging pahayag ng ina ng bik tima na si Elizabeth, 41, nakita niya ang kanyang anak na bumubula ang bibig at hirap na hirap sa paghinga kaya agaran niya itong dinala sa nasabing pagamutan subalit sa daan pa lamang ay namatay na ang dalagita.
Ayon pa sa ina ng biktima, bago maganap ang insidente, pinagsamantalahan umano ito ng isang nagngangalang Rey Ocampo sa loob ng bahay nito sa Pandacan, Manila noong Hulyo 9 ng taong kasalukuyan. Ipinagharap nila ng kasong rape ang suspek sa Manila Prosecutor’s Office.
“Hindi siguro nakayanan ng aking anak ang nangyari sa kanya kaya naisipan nitong wakasan na ang kanyang buhay,” wika pa ng ina ng biktima.
Hinihinala ng pulisya na, dahil sa matinding trauma at kahihiyan, nagawa ng biktima na kitlin ang sariling buhay.
Gayunman, nagsasagawa pa rin ang mga awtoridad ng masusing imbestigasyon upang mabatid kung sadyang uminom ng lason ang biktima o may naganap na foul play. (Lordeth Bonilla)