Brgy. kagawad itinumba ng ex-con

Patay  ang isang barangay kagawad makaraang paula­nan ng bala ng isang ex-con­vict na nakulitan sa pagta­tanong ng una sa tunay na pag­kakaki­lan­lan sa huli, kahapon ng ma­daling-araw sa Pasay  City.

Nasawi noon din sa pi­nangyarihan ng insidente ang biktimang si Mario Sevilla, 48, Brgy. kagawad ng 124 Zone 12, nabanggit na lungsod sanhi ng maraming tama ng bala mula sa hindi pa  batid na kalibre ng baril sa iba’t ibang parte ng katawan nito.

Batay sa ulat, dakong alas-3:45 ng madaling-araw nang maganap ang nasabing insi­dente sa Ventanilla St., na­banggit na lungsod.

Kasalukuyan namang pi­nag­hahanap pa ng pulisya ang suspect na si Angelo Lebrado, alyas “Egay”,  na ma­bilis na tu­makas matapos ang nasabing krimen.

Nabatid na nag-ugat ang pamamaslang ng suspect sa biktima makaraang mairita at makulitan umano ang una sa pang-uusisa nito sa kanyang tunay na pagkakakilanlan sa eksak­tong tirahan at iba pang per­sonal na impormasyon.

Ayon naman sa ilang mga residente ng nabanggit na lugar, una na nilang inireklamo sa biktima ang unang pagwa­wala ng suspect kamakalawa kung saan ay nagbanta pa itong su­sunugin ang kanilang ba­rangay dahilan upang kom­pron­tahin umano ito ng kaga­wad na nauwi naman sa pa­ma­­maslang dito. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments