‘Utang’ sa Porsche babayaran ni Pacquiao
Nakilahok na rin si boxing champ Manny “Pacman” Pacquiao sa voluntary disclosure program ng Bureau of Customs (BOC) upang malutas ang usapin sa kanyang mamahaling sasakyan.
Nabatid na nagpadala na ang abogado ni Pacman na si Jeng Gakal ng isang liham kay Customs Commissioner Napoleon Morales na nagpapahayag na handa ng magbayad ang una ng karagdagang buwis kung kinakailangan para sa kanyang sasakyang Porsche Cayenne-S na iniimbestigahan ng BOC dahil sa napaulat na undervalued umano ito.
Iginiit naman ni Gakal na sinunod lamang ni Pacman ang proseso ng pamahalan at hindi ibig sabihin ng kanilang ginawa ay isang pag-amin na nagkamali ang kanyang kliyente.
Binili ni Pacquiao ang naturang sasakyan sa Estados Unidos bago ang laban kay Erik Morales at lumitaw sa records ng BoC na nagkakahalaga ito ng $25,452 kung saan ang binayarang buwis sa BoC ay umabot sa P1,037,000, subalit natuklasan sa website ng Porsche na ang naturang klase ng sasakyan ay $57,900 ang halaga at ang buwis nito ay aabot dapat sa P1.7 milyon.
Dahil dito kayat inayos muna umano ni Pacman ang nasabing usapin bago ito muling sumabak sa kanyang susunod na laban sa Estados Unidos sa susunod na buwan.
- Latest
- Trending