Palaisipan sa mga awtoridad kung sinadya o aksidente ang pagkakasunog ng Philippine President Line (PPL) building kung saan natupok ang tanggapan ng Maritime Industrial Administration (MARINA), kahapon ng madaling-araw sa panulukan ng U.N Ave at San Marcelino St. Ermita, Maynila.
Inabot ng may sampung oras ang sunog na nagsimula dakong alas-4:02 ng madaling-araw. Nagsimula ang apoy sa Room 501 sa ikalimang palapag ng MARINA hanggang sa mabilis na kumalat pataas at pababa ng gusali.
Agad namang nagresponde ang may 42 fire trucks ng mga bumbero mula sa iba’t ibang district na nagpalitan ng pag-aapula sa sunog. Ayon kay Supt. Ruben Morales, sapat naman ang mga kagamitan ng BFP subalit naging mabilis lamang ang pagkalat ng apoy dahil na rin sa mga office supplies tulad ng mga papel at mga computers.
Subalit tila sinisisi naman ni MARINA Administrator Vicente Suaso, ang BFP sa pagsasabing dismayado sila sa pagresponde ng mga bumbero dahil kulang ang supply ng tubig at walang sapat na kagamitan upang mapasok ang tanggapang nasusunog.
Sinabi ni Morales na hindi sila dapat na sisihin ni Suaso dahil ginawa lamang nila ang kanilang tungkulin at dapat ding may sprinkler ang tanggapan dahil isa ito sa mga requirements ng BFP. (Doris Franche)