Seoul Searching

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng tatlong hindi pa kilalang mga suspect ang isang negosyante habang ipinapakita nito sa isang kostumer  ang kanyang ibinebentang sasakyan  kahapon ng umaga sa Maynila.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Armando Galicia, 54,  may-ari ng  Malate Auto  Sales at resi­dente ng 1718 Jorge Bocobo St. Malate, Maynila bunga ng tama sa ulo, dibdib at kamay habang agad namang dinala sa ospital  ang misis nitong si Irish, 38, na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang balikat.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni  PO3 Rommel  Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-11:15 ng umaga sa  harap ng  nasabing bilihan ng sasakyan sa 2631 Arellano St. Malate, Maynila. Kasalukuyang tiniting­nan ng biktima ang  isang FX taxi bilang routinary  ins­pection nang big­lang dumating ang dala­wang motorsiklo.

Isa sa mga naka-motorsiklo ang nagpanggap na bibili ng sasakyan subalit bigla na lamang itong pina­pu­tukan ng  isa sa mga suspect  ng kalibre .45 baril ang  biktima sa ulo.

Dito naman lumabas si Irish na pitong-buwang buntis  nang makarinig ng putok, na  binaril  naman sa kaliwang balikat ng  suspect.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspect patungong Makati.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng pama­maslang bagama’t inaalis na nila ang anggulong robbery dahil wala namang nawalang personal na gamit o pera ang biktima. (Doris Franche)

Show comments