Isang negosyanteng Intsik na si Johnson Ian Ang ng Shinzen Trading ang nagsampa ng kasong qualified theft sa prosecutor’s office ng Malabon laban sa kanyang sales agent na si Vito Alisoso na tumangay umano sa kanyang motorsiklo at nanggoyo sa kanya ng perang panggastos sa pagliliwaliw ng suspek sa isang lalawigan.
Sinabi ni Ang sa kanyang reklamo na nagprisinta si Alisoso na pumunta sa Legaspi, Albay noong Marso 6 para maghanap ng posibleng kliyente.
Hiniram pa ni Alisoso ang motorsiklo ni Ang at humingi ng P5,500 na allowance subalit matapos ang halos isang linggo ay humirit pang muli si Alisoso ng karagdagang P5,000.
Bagamat pinagbigyan, inutusan na ni Ang ang kanyang empleyado na bumalik na lamang sa Maynila.
Kasabay nito, nagpasaklolo pa ang asawa ni Alisoso ng karagdagang pera dahil hindi naman umano nag-iwan ng pambili ng gatas para sa kanilang anak ang kanyang asawa.
Subalit matapos ito ay hindi na nagpakita pa si Alisoso at wala na ring balita si Ang sa kinaroroonan nito. (Ludy Bermudo)