Sa ulat na inilabas ng Inter-Agency Anti-Arson Task Force sa pamumuno ni Supt. Fen nimore Juadian, loose electrical wiring ang tunay na sanhi ng apoy na nagbuhat sa kisame ng unang palapag ng General Services Division at mabilis na kumalat dahil sa yari sa light materials ang gusali.
Sa kabila nito, sinabi ni Undersecretary for Public Safety Marius Corpus na hindi sila 100 porsyentong positibo na problema nga sa koneksyon sa kuryente ang sanhi ng sunog dahil sa tupok na ang ibang parte ng narekober nilang copper wire na isinailalim nila sa laboratory tests.
Itinuturing na rin naman nila na sarado na ang kaso at idineklarang "accident in nature" ang ugat ng naturang sunog na tumupok ng higit sa P20 milyong ari-arian.
Tumugma rin naman ang kanilang konklusyon sa resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na walang indikasyon na nagmula ang apoy sa mga pampasabog at walang ebidensya na terorismo ang ugat ng sunog.
Kabaligtaran naman sa unang pahayag ng Bureau of Fire Protection na matagal nang "condemned" ang natupok na gusali, lumalabas ngayon na "uncondemned" pa umano ito kaya malaya pang nagagamit bilang opisina at storage ng Comelec. (Danilo Garcia)