"Palayain n’yo si Jun Ducat at Carbonnel," saad ng mga placards na bitbit ng mga kabataan, magulang ng mga ito at mga residente ng Parola Compound, sa Maynila.
Kasabay din ito ng pagtungo nila sa Manila City Hall para sa isinagawang preliminary investigation sa kaso ng dalawa sa Manila Prosecutor’s Office kahapon.
Nabatid na humarap sina Ducat at Carbonnel kahapon sa sala ni City Assistant Prosecutor Nely Go, kaugnay sa kasong illegal possession of firearms and explosives, paglabag sa Comelec gun ban at serious illegal detention na inihain laban sa kanila. Bukod pa rito ay isinabay na rin sa mga naturang kaso ang inihain ni Esperanza Cabral kamakalawa sa piskalya hinggil sa paglabag nina Ducat at Carbonnel sa Republic Act 7610 o Child Abuse Law.
Sa nasabing proceedings, hiniling ng abogado ni Ducat na si Atty. Antonous Collado ang re-investigation sa kaso.
Kapwa nakasuot ng puting t-shirt na may tatak na "stop corruption" at "free education" sina Ducat at Carbonnel na kalmadong humarap sa piskalya habang nakaposas.
Samantala, tuwang-tuwa naman ang mga bilanggo ng MPD Integrated Jail nang matapos papinturahan ni Ducat ang buong jail at palagyan ng maraming electric fan, galing sa sarili niyang bulsa. (Ludy Bermudo)