2 sekyu binoga ng holdaper

Dalawang guwardiya ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga hinihinalang holdaper nang sitahin ng mga biktima ang mga suspek na nakatambay sa labas ng isang gusali sa Mandaluyong City kahapon ng tanghali.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Jamer Pe Jr. at Genesis Repore, kapwa guwardiya ng Leopard Security Agency na nakatalaga sa Ortigas Center sa naturang lunsod.

Lumiltaw sa pangunang pagsisiyasat ng pulisya na, bago naganap ang insidente, sinita ng mga biktima ang mga sakay ng isang pulang Honda Civic dahil dalawang oras nang nakaparada sa tapat ng isang gusali sa naturang lugar ang sasakyan bukod sa bawal pumarada roon at sobrang tinted ang salamin nito.

Pero napikon umano at nakipag sagutan ang mga suspek sa mga biktima hanggang sa pagbabarilin nila ang mga ito. Tumakas ang mga suspek pagkatapos ng insidente.

Hinihinala ng pulisya na mga holdaper ang mga suspek na nagmamanman sa tatlong bankong nag-oopisina sa naturang gusali. (Edwin Balasa)

Show comments