Driver nagpainom na, pinatay pa

Mistulang lantang gulay ang driver matapos itong pagtulungang bugbugin hanggang sa mapatay ng limang kalalakihan sa inuman kahapon ng madaling-araw sa Valenzuela City. Patay na nang idating sa Fatima Medical Center ang biktimang si Roel S. Argiente, 38, nakatira sa #295 Abelardo St., Fortune 4, Brgy. Parada ng nabanggit na lungsod sanhi ng tinamong mga pasa at mga bukol sa ibat-ibang bahagi ng katawan matapos itong paghahatawin ng matigas na bagay . Inaresto naman ng pulisya ang dalawa sa limang suspect, na nakilalang sina Romeo Vasquez, 20, at Rustan Fernandez, 22, kapwa residente ng Consuelo St., ng nabanggit na lugar. Kasalukuyang namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang tatlo pang suspect na sina Ryan Cruz at ang magkapatid na Nonoy, 23 at Jhonson Villason, 27.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-2 ng madaling-araw mismo sa harapan ng bahay ng biktima. Napag-alaman na ang biktima ang siyang naglibre ng inom sa mga suspect kaya nga sa kuwentuhan ay siya ang lumalabas na bida na ikinairita naman ng mga kainuman nito. Kinompronta ng mga salarin ang biktima hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo. Pinagtulungang gulpihin ng mga suspect ang biktima na naging sanhi ng kamatayan nito. (Lordeth Bonilla)

Show comments