2 parak timbog sa entrapment ng NBI

Dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang pulis na sangkot sa robbery-extortion matapos ang isinagawang entrapment operation sa Cavite.

Kinilala ni Arnold Lazaro, chief of NBI-Background Investigation Division (BID), ang mga pulis na sina PO1 Denny Tacus, 26, ng no. 59 Col. Tagle Street, Imus, Cavite at PO3 Henry Arasga, 40, naninirahan sa 1130 Tramo Street, Pulang Lupa, Las Piñas City. Ang mga ito ay kapwa nakatalaga sa Bacoor Police Station, Bacoor Cavite .

Ayon kay Lazaro, ang pagkakaaresto sa dalawa ay bunsod na rin ng kasong robbery-extortion na isinampa ni Juanito Cabales, ng Block 32, Lot 22, Robinson Home East, Antipolo City.

Batay sa imbestigasyon ng NBI, Pebrero 14 nang magsampa ng reklamo si Cabales matapos nakawin ng isang nagngangalang Dennis Pamintuan ang kanyang motorbike sa loob mismo ng Meadow Wood Executive Village sa Brgy. Panapaan 8, Bacoor, Cavite.

Agad namang nahuli si Pamintuan sakay ng ninakaw na motorbike, habang bitbit din ang dalawang manok pansabong na pinaniniwalaan ding nakaw. Mabilis namang nagtungo si Cabales sa Administrative Office ng subdibisyon upang mabawi ang motorbike. Ngunit ayon kay Cabales, bigla na lamang siyang pinagtulungang bugbugin nina Tito Lopez, Billy Frend, Dylan Carel, Vic Olmo at security guard na si Elden Redondo.

Isang araw matapos ang pambubugbog ay pinipilit siyang papirmahin nina PO1 Tacus, Lopez at Redondo na kanyang isinanla ang motorbike kay Lopez sa halagang P 10,000 at dapat na matubos sa Pebrero 28.

Dahil dito, minabuti ni Cabales na humingi ng tulong sa NBI kung saan isinagawa ang entrapment operation sa SM Bacoor. Nang dumating ang dalawang pulis na sina PO1 Tacus and PO3 Arasga mabilis namang ibinigay ni Cabales ang marked money na P1,500 kung saan agad ding dinakma ang mga pulis. (Doris M. Franche)

Show comments