Sinabi ni National Capital Region Police Office spokesman Supt. Rommel Miranda na nakapaglagak na ng piyansa ang abogado ni Muhlach, Angelo Jose Rocha Muhlach sa totoong buhay ngunit hindi pa nagpapalabas ang korte ng release order para dito.
Binigyan naman ng pulisya ng dalawang opsyon si Muhlach, isa rito ay lumaya at harapin ang kaso sa korte at ang ikalawa naman ay magpasailalim sa drug rehabilitation upang tuluyan nang maresolba ang problema nito sa droga.
Tatagal umano ang rehabilitasyon nito ng mula anim na buwan hanggang mahigit sa dalawang taon depende sa kooperasyon ni Muhlach na matanggal sa kanyang sistema ang paghahanap sa ilegal na droga.
Kinumpirma naman ng PNP Crime Laboratory na shabu nga ang 1.9 gramo ng puting pulbos na nakuha sa posesyon ng aktor sa loob ng isang mall sa Libis, Quezon City nitong nakaraang Martes.
Magugunitang inaresto ng mga tauhan ng NCRPO si Muhlach sa aktong bumibili ng shabu sa isang tulak sa Libis, Quezon City.
Si Muhlach, 35, ay maagang narating ang kasikatan sa industriya ng showbusiness noong dekada 80 kung saan tinagurian itong "child wonder" at minsa’y inidolo ng mga kabataan. (Danilo Garcia At Edwin Balasa)