Bading na sales rep kinatay ng lover

Patay ang isang 56-anyos na sales representatives na umano’y bading matapos na pagsasaksakin ng kanyang pinaniniwalaang lover matapos ang isang matinding pagtatalo sa loob ng condomoninium unit ng biktima, kamakalawa sa Caloocan City.

Labing-limang saksak sa katawan ang tinamo ng biktima na kinilalang si Plaridel Yuson, 56, at naninirahan sa 5th Floor, Unit 156 Smile Homes, Annex Building Brgy. 177, Cama rin ng nasabing lungsod.

Matapos naman ang naturang krimen, mabilis na naaresto ng mga operatiba ng Caloocan Police ang suspect na si Jerry Kerr, 35, walang trabaho at naninirahan sa ikalawang palapag ng nasabing gusali.

Sa ulat, dakong alas-10:30 ng gabi nang matagpuan ang biktima na naliligo sa sariling dugo sa loob ng kanyang condominium unit.

Ayon sa mga nakatira sa naturang residential building, nagulat na lamang sila nang marinig ang malakas na sigawan sa pagitan ng biktima at suspect. Nang matapos ang ingay ay agad na tinungo ng mga tenant ang unit ng biktima at dito bumungad sa kanila ang nakahandusay na si Yuson na walang saplot sa katawan.

Isang jungle knife ang ginamit ng suspect sa pananaksak sa biktima.

Inaalam pa ng pulisya ang tunay na dahilan sa pamamaslang, bagamat sinabi ng ilang nakatira sa lugar na madalas na pumupunta ang suspect sa unit ng una dahil sa posibleng pagkakaroon ng relasyon ng mga ito.

Show comments