Sinabi ni DILG Usec. Bryan Yamsuan na tiwala silang maisasantabi din ang anumang legal na hakbang na gagawin ni Calixto laban sa DILG dahil mayroon silang nakabinbing Motion for Clarification sa Court of Appeals.
Nalalabuan umano ang DILG sa temporary restraining order (TRO) na nakuha ni Calixto mula sa CA dahil nakasaad lamang dito na maaari nitong balikan ang status quo‚ bilang local executive ngunit hindi naman sinabi kung anong posisyon ang aaktuhan nito.
Ipinaliwanag ni Yamsuan na mas mabuti munang hintayin na lamang ang desisyon ng Appellate Court sa kanilang mosyon upang hindi na magkaroon pa ng panibagong problemang legal sa usapin ng pagbabalik sa puwesto ni Calixto.
Aniya, hangga’t nakabitin umano ang clarificatory motion ng DILG sa CA, si Mayor Allan Panaligan ang dapat na sundin ng mga empleyado ng Pasay City Hall kahit pa nagtatangka si Calixto na mag-opisina saan mang panig ng city hall.
Idinagdag pa ni Yamsuan na mas lalo lamang lalala ang sitwasyon kung muling gagawa ng panibagong hakbangin si Calixto.
Aniya, maging ang DILG ay naghihintay na lamang ng tugon ng CA dahil marami pa ring usapin sa local government unit na dapat ding bigyan ng pansin. (Doris Franche)