Namatay habang ginagamot sa Tondo General Hospital ang mga biktimang sina Rizalino Pangilinan, 44, at Raymund Custodio, 30, matapos barilin nang malapitan ng kapwa inmate na si Bonifacio Bote, 24.
Nabatid sa isinagawang imbestigasyon ng Caloocan City Police na si Bote ay miyembro ng Sigue-Sigue Commando na nakakulong sa selda 4, habang sina Pangilinan at Custodio ay nasa selda 1 at 8 at kapwa miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik.
Ayon sa report, dakong alas-8 ng gabi nang mangyari ang pamamaril sa loob mismo ng Caloocan City Jail sa Langaray St., Dagat-Dagatan. Sinabi ng ibang preso na nakaupo umano sa gilid ng basketball court ang dalawang biktima nang biglang lapitan ng suspect at pagbabarilin.
Nakatakda namang magsagawa ng magkahiwalay na imbestigasyon sina Supt. William Macavinta, hepe ng Caloocan City Police at District Intelligence Investigation Division (DIID) Chief, Supt. Rafael Santiago, kung papaano nagkaroon ng baril ang mga preso sa loob ng jail. Hindi nagbigay ng pahayag si Supt. Atty. Michael Vidamo, OIC ng Caloocan City Jail, hinggil sa naturang insidente. Una rito, dalawang preso na ang nabaril sa loob ng naturang jail, si Ernani Magnayon, isa sa sinasabing suspect sa pagpatay sa RPN-9 cameraman na si Ralph Ruñez at ang pinakahuli ay ang inmate na si Lorenzo Arellano na nabaril at nasugatan sa isang tanggapan dito, may dalawang linggo na ang nakalilipas. (Ellen Fernando)