Ayon kay Sr. Insp. Francisco Uyami Jr., bukod kay Evelyn Amapa Gonzales na nauna nang naaresto ay nalaglag na rin sa kamay ng batas ang anak nitong si Elvin Gonzales 19, at tiyuhin na si Santiago Villanueva. Samantala, patuloy pa ring pinaghahanap ang asawa ni Evelyn na Ely Gonzalez at iba pa na nakilala lamang sa alyas na Rigor, Ampao at Bayawak.
Ang mga nabanggit ay siyang responsable sa pagdukot, paggahasa at pagpatay sa biktimang si Maricris Labarientos, 9, na natagpuang wala nang buhay sa isang creek.
Sa isinagawang interogasyon ng pulisya, lumalabas na nagsimula ang krimen nang hindi magbayad ng halagang P30,000 ang isang tao na may pagkakautang sa suspect na si Evelyn kung saan nag-guarantor ang ina ng biktima na si Mylene.
Noong Enero 21 ay nagpunta sa bahay ng pamilya ng biktima sa Bedana St. Brgy. San Miguel, Pasig City ang suspect na si Evelyn kasama ng ilang kalalakihan subalit nadatnan lang nila sa bahay ang batang biktima at nagmagandang loob pa ito na sasamahan ang mga suspect sa palengke ng Pasig kung saan may puwesto ang kanyang nanay subalit imbes na magtuloy sa palengke ay tinangay na ng mga suspect ang bata.
Matapos ang tatlong araw ay nakita ang bangkay ng bata na hubot hubad na pinatay at saka itinapon sa isang subdibisyon sa Taytay, Rizal. Sunog din ang mukha nito at tanggal ang mga ngipin.
Nang araw na iyon ay nahuli si Evelyn habang magkasunod namang nalambat ng Pasig police ang anak nitong si Elvin at Villanueva.
Sa isinagawang interogasyon ay umamin si Elvin sa mga awtoridad na dinala nila sa isang sementeryo ang biktima at doon ay lima silang halinhinang gumahasa sa bata.
Iniutos din umano ng kanyang nanay na sunugin ang mukha at ulo ng biktima para hindi ito makilala na sinunod naman ni Rigor at sinilaban ng suplete (blow torch) ang bata na nagkikisay sa sakit.
"Habang nangingisay yung bata sa sakit ng pagkasunog ay lumapit si nanay at sinakal siya ng mahigpit kaya doon na siya namatay, pagkatapos ay tinanggal pa niya yung lahat ng ngipin nito para hindi raw makilala, saka namin itinapon sa creek," pahayag ni Elvin sa isinagawang panayam kahapon sa loob ng Pasig City detention cell.
Nagsasagawa pa ng manhunt operation ang pulisya para sa ikahuhuli ng iba pang suspect. (Edwin Balasa)