Presidente ng homeowners tinodas

Patay ang isang 52-anyos na ginang na presidente ng Homeowners Association sa kanilang lugar makaraang barilin ito nang malapitan ng hindi pa kilalang salarin habang nagbabasa ng libro sa bintana ng kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa Pasig City.

Kinilala ang nasawing biktima na si Marilyn Luarca, residente ng Villa Valderama, Kapit Bisig Brgy. Pinagbuhatan ng nasabing lungsod. Hindi na ito umabot nang buhay makaraang isugod sa pagamutan sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa ulo buhat sa hindi pa nakikilalang suspect.

Ayon kay PO2 Rodolfo Salamanca, desk officer ng Pasig Police, naganap ang pamamaslang kay Luarca dakong alas-7:25 ng gabi habang nagbabasa ito ng libro sa tabi ng bintana sa unang palapag ng kanilang bahay.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na hindi namalayan ng biktima ang papalapit na suspect na armado ng maikling kalibre ng baril at nang tumapat ito sa bintana kung saan abala ang una sa pagbabasa ay binaril ito sa ulo.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspect patungo sa hindi mabatid na direksyon.

Kasalukuyang nagsasagawa ng masusing imbestigasayon ang pulisya kung ano ang motibo ng nasabing pamamaslang subalit isa sa tinututukang angulo ay ang posibleng awayan sa asosasyon kung saan pangulo ang pinaslang na biktima. (Edwin Balasa)

Show comments