Bank executive, pinatay o nagpakamatay?

Masusing iniimbestigahan ngayon ng pulisya kung nagpakamatay o pinatay ang isang 60-anyos na retiradong bank executive makaraang matagpuan ang bangkay nito na may tama ng bala sa sentido sa isang exclusive subdivision sa Makati City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Horacio Santos Jr., nakatira sa # 10 Galaxy St ., Barangay Bel-Air Village, Makati City.Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Rico Caramat, ng Homicide Section ng Makati City Police-Criminal Investigation Unit, dakong alas-7 ng gabi nang matagpuan ng isang nakatalagang guwardiya ang bangkay ng biktima sa isang bakanteng lote ng #22 Hydra St., ng nabanggit na barangay.

Nakita nitong may tama ng bala ng baril sa kanang sentido si Santos at natagpuan din sa kanang kamay nito ang isang pistola.

Ayon sa ilang katulong nito, huli nilang nakita ang biktima na balisa at nakatingin ito sa bakanteng lote na kung saan natagpuan ang kanyang bangkay. (Lordeth Bonilla)

Show comments