Helper patay sa bigong hijack

Dead-on-the-spot ang isang helper, habang malubha naman nasugatan ang isang kasamahan nito nang paulanan ang mga ito ng bala ng apat na armadong kalalakihan matapos ang tangkang pangha-hijack sa sinasakyan nilang delivery truck ng Asia Brewery Corporation sa Caloocan City, kamakalawa.

Kinilala ang nasawi na si Rodrigo Mira Bueno, ng Bagong Silang, Caloocan City, habang sugatan naman ang kasamahan nito na si Ronald Samson, 28.

Patuloy naman ang pagtugis ng awtoridad sa mga suspect na mabilis na nagsitakas makaraan ang bigong hijack sa sasakyang dala ng mga biktima .

Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong-alas-2:30 ng hapon sa may Phase 9 Bagong Silang habang sakay ng delivery truck ang mga biktima kasama ang isa pang helper na si Romeo Almasin.

Kasalukuyang minamaneho ni Samson ang truck nang bigla silang harangin ng isa sa mga suspect na armado ng baril. Agad namang naalarma si Samson dahilan upang pabilisin pa nito ang pagpapa-andar sa truck papalayo sa suspect, ngunit hindi pa man siya lubusang nakakalayo ay sumulpot pa ang tatlong armadong suspect at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga sakay sa truck.

Napuruhan ng tama si Bueno na agad nitong ikinamatay. Masuwerte namang nakaligtas sa pamamaril si Almasin.

Matapos ang pamamaril ay nabulabog ang mga residente malapit sa lugar kaya hindi na nagawa pang makuha ng mga suspect ang truck at mabilis na lamang na nagsitakas. Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito. (Ricky Tulipat)

Show comments