Sinalakay ng NBI-Interpol ang electronic shop na pag-aari ng isang Johnny Mendoza sa Lot 28, Block 27, Villa Luisa, North II, Caloocan City sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Ma. Teresa de Guzman-Alvarez ng Caloocan RTC Branch 131.
Hindi naman naaresto ng mga ahente ang may-ari ng tindahan na si Mendoza na isa umanong electrical engineer ngunit nakumpiska naman ang kahun-kahong mga Meralco meters at mga parte nito na nagkakahalaga ng P5 milyon.
Ayon sa mga kinatawan ng Meralco, ilegal ang ginagawang pagbebenta ni Mendoza ng kanilang mga metro na umanoy pawang mga ninakaw. Hinihinala na maaaring bumibili ang naturang tindahan ng mga metro buhat sa mga magnanakaw at ibinebenta ng mas mahal.
Nabatid na unang nakatanggap ang NBI ng reklamo buhat sa Meralco ukol sa pagbebenta ng naturang electronics shop ng mga nakaw na metro nang walang pahintulot.
Sinasabing kasama rin sa search and warrant ang tindahang pag-aari ng isang Erlinda Baylosis sa #18 Road 7 corner Road 13, GSIS Hills Subd., Caloocan City ngunit bigo ang mga ahente na makakumpiska ng mga metro buhat dito. Nahaharap ngayon si Mendoza sa kasong paglabag sa Section 3, paragraph 3 ng Republic Act 7832 o "Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994." (Danilo Garcia)