Nakilala ang mga inaresto na sina Boy delos Reyes, 22; Albert Pablo, 21; Jason Ocampo, 19; at Jimmy Balani, 20, pawang mga naninirahan sa Arlegui St., Quiapo.
Bigo naman ang mga kagawad ng District Police Investigator Unit (DPIU) na maaresto ang target ng kanilang warrant of arrest na si Joe Panalondog, may-ari ng establisimiyento na ginagawang pabrika ng pirated DVD at CD sa may #348 Old Barter, Tugaya Alley, Elizondo, Quiapo.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:30 ng madaling-araw nang salakayin ng mga tauhan ng DPIU, katulong ang mga operatiba ng Special Weapons and Tactics (SWAT) unit ang naturang lugar sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Augusto Gutierrez, ng Manila Regional Trial Court Branch 47.
Sinabi ni Sr. Insp. Baltazar Beran, hepe ng DPIU, nagsagawa sila ng test buy sa naturang lugar ukol sa talamak na bentahan ng mga pirated na bold movies. Nang magpositibo, agad na kumuha sila ng warrant sa korte. Sinalakay naman nila ang naturang lugar ng madaling-araw upang hindi umano magkaroon ng kaguluhan at madamay ang mga mamimili sa Quiapo tulad ng mga nagdaang raid sa naturang lugar.
Nakumpiska sa naturang lugar ang walong replicating machine na itinago sa ilalim ng mga kama, limang kahon ng ibat ibang pirated DVD, isang granada at isang kalibre .38 baril na walang kaukulang dokumento.
Isa-isa ring sinalakay ng mga pulis ang ilang mga stall sa naturang lugar na nagresulta sa pagkakakumpiska sa mga panindang pirated DVD at VCD ng mga ito. Muntik namang magkaroon ng tensyon sa lugar nang maglabasan na ang mga Muslim na may-ari ng mga stall sanhi upang umalis na ang mga nag-ooperate na mga pulis. (Danilo Garcia)