Binaril sa mukha... babae todas sa lover

Patay na ng matagpuan sa kanyang inuupahang apartment ang isang babae makaraang barilin ito sa mukha ng hindi pa nakikilalang lalaki kamakalawa ng gabi sa Pasig City.

Ang biktima na nakilala lamang sa pangalang Ofelia at tinatayang nasa 23 hanggang 25-anyos ay natagpuang naliligo sa sariling dugo sa loob ng inuupahang apartment sa 3rd floor ng Blk.16 Lot 5 Villa Maglente Nagpayong Brgy. Pinagbuhatan ng lungsod na ito.

Samantala inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isang lalaki na huling nakasama ng biktima at pinaniniwalaang responsible sa pamamaslang sa una.

Ayon kay PO3 Roger Baltazar, may hawak ng kaso ng Pasig City Police, dakong alas 7;30 ng maganap ang pag-aaway ng biktima at ng suspect sa loob ng apartment ng una.

Posible umanong kasintahan ng biktima ang suspect.

Nabatid sa magkapatid na Rosalie 31 at Ricardo Formendo, kapitbahay ng biktima, nangungupahan sa ikalawang palapag ng nasabing apartment ang biktima at napansin nila na tila may kaaway ito. Matapos ang ilang minuto ay nakarinig sila ng isang putok ng baril.

Isang lalaki din ang kanilang nakitang nagmamadaling bumaba mula sa bahay ng biktima kung kaya’t agad din naman nila itong inakyat.

Subalit laking gulat nila ng tumabad sa kanila ang biktima na naliligo sa sariling dugo.

Lumalabas sa imbestigasyon na binaril ang biktima sa kanang pisngi na tumagos sa kaliwang tainga nito.

Hindi rin masyadong kilala ng mga kapitbahay ang biktima dahil bagong lipat lang umano ito kaya blangko ang pulisya kung ano ang motibo ng naturang pamamaslang. (Edwin Balasa)

Show comments