Nakilala ang tatlong biktima na sina Elberto dela Cruz, Manuel Gonzales at isang alyas Neri.
Sa ulat ni Col. Felicidad Gido, hepe ng Quezon City Police District-Galas Station 11, natagpuan ang mga biktima dakong alas-3:45 ng madaling araw sa tapat ng Our Lady Victory Church sa kanto ng Kennon Road at Betty Go Belmonte St., Brgy. Mariana, New Manila, QC.
Nabatid na nagroronda umano ang BSDO na si Mario Paguirinan nang matagpuan nito ang tatlong biktima na pawang nakahandusay sa tapat ng naturang simbahan na pawang may nakatarak na de-singkong pako sa noo, may gilit sa leeg at tadtad ng saksak sa katawan at may mga placard na "Bukas Kotse/Basag Bintana" na nakapatong sa kanilang mga dibdib.
Bago natagpuan ang bangkay ng tatlo, may nagsabi na isang di mabatid na sasakyan ang tumigil sa lugar na pinaniniwalaang nagtapon sa mga biktima.
Sinabi naman ni Police Sr. Supt. Magtanggol Gatdula, na puspusan na silang nagsasagawa ng imbestigasyon upang malaman kung sino ang nasa likod ng sunud-sunod na insidente ng salvaging sa lungsod.
Magugunitang kamakalawa lamang ay isa ring bangkay ng lalaki na pinugutan ng ulo ang natagpuan sa may Cubao, Quezon City.