Ayon sa ilang pulis, kinakaltasan sila ng isang araw ng MPD kung hindi dadalo sa flag raising ceremony sa headquarters tuwing Lunes.
Anila, awtomatikong kinukuha ang isang araw nila sa suweldo tuwing 15-30 ng buwan subalit hindi naman maipaliwanag kung saan napupunta ang nakukuhang halaga sa kanila.
Sinabi ng mga pulis na umaabot sa 320 ang nakatalagang tauhan sa District Headquarters and Support Unit na isinumite nila sa NCRPO subalit 20 pulis lamang ang nagbabantay sa MPD headquarters.
Bukod dito, tig-40 tauhan ang dapat na nakatalaga sa Personnel at Finance Department ng MPD ngunit lima hanggang anim lamang ang nakikitang nagtatrabaho sa opisina.
Ibinunyag naman ng isang junior officer na matagal nang nagaganap ang naturang modus operandi ng sindikato ng mga opisyal ng MPD ngunit nalulusutan nila ang imbestigasyon ng NCRPO dahil na rin sa impluwensiya ng nagretirong heneral na umanoy siya pa ring nagpapatakbo ng Manila police. Nangako naman si MPD officer-in charge Sr. Supt. Danilo Abarzosa na paiimbestigahan niya ang reklamo ng mga pulis at ang modus operandi. (Danilo Garcia)