Umalingasaw ang nakakasulasok na amoy sa kahabaan ng Vizcarra Highway sa Barangay Malibay nang umulan ng ibat-ibang uri ng dumi ng tao, mabahong basura at kaning-baboy na ibinato ng mga apektadong residente sa demolition team na gigiba sa kanilang kabahayan.
Naawat lamang ang pambabato ng mga kalalakihan nang mamagitan na ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 7 ng Pasay police na nakakasakop sa naturang lugar sa Barangay 169 Zone 17, Malibay, Pasay City.
Napag-alaman na matagal ng iniutos ng korte sa sheriffs office ang pagsisilbi ng demolition order sa mga kabahayang tinitirhan ng tinatayang aabot sa may 100 pamilya sa Vizcarra St. na matagal ng pinaaalis ng may-ari ng malawak na lupa.
Inialok na umano ng pamilya Bayona na nagmamay-ari ng lupa sa mga naninirahan na bilhin na lamang nila ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay kung gusto nilang manatili subalit ilan lamang ang tumalima sa magandang alok.
Nauna ng naantala ang demolisyon noong nakaraang unang linggo ng buwan ng Nobyembre matapos barikadahan ng mga residente ang naturang lugar hanggang sa matuloy na ang gibaan kahapon. (Lordeth Bonilla)