Kinilala ni NBI director Nestor Mantaring ang mga nadakip na suspect na sina Lin Ming Chin, alyas Kevin Lin, 27 at Hsin Lee, 26, kapwa residente ng 22 Joy St., Multinational Village, Parañaque City.
Sa intelligence reort na natanggap ng NBI-National Capital Region, nadiskubre na isang sindikato ng mga dayuhan ang nag-ooperate sa bansa kung saan kumukolekta ng mga P1 barya. Pinipitpit ng mga ito ang mga piso gamit ang machine press at ini-export sa Tsina kung saan nabibili sa mas malaking halaga.
Sa Tsina, hinihiwalay ang "nickel component" ng piso na ginagamit naman sa paglikha ng computer parts.
Base sa pag-aaral ng Bangko Sentral ng Pilipinas, nagtataglay ng mas maraming nickel, copper at zinc ang mga barya ng Pilipinas kaysa sa ibang nasyon.
Ayon sa ulat, natunton ng NBI ang safehouse ng mga suspect sa Parañaque City na kanilang sinalakay sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Zosimo Escano ng Parañaque RTC Branch 259.
Ayon sa suspect na si Lin, sinabi nito na binibili niya ang mga pitpit na piso sa isang kapwa Taiwanese na nakilala lamang sa pangalang Joey.
Sinabi ng NBI na kailangang pitpitin ang mga barya para palabasin sa inspeksyon na mga simpleng bakal lamang ito.
Natuklasan na umaabot na sa 40 toneladang barya ang nai-puslit na ng sindikato sa Tsina. Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa dalawang nadakip. (Danilo Garcia)