Driver na nagpapalaki ng ari, timbog

Dinakip ng mga tauhan ng Makati City police ang isang family driver sa aktong nagsasagawa ng "penis enlargement operation" sa loob ng isang naka-park na sasakyan, kamakalawa.

Ang suspect na nakilalang si Wilfredo Agliem, 45, ng Manukan Ext., Las Piñas ay nakatakdang sampahan ng kasong illegal practice of medicine at unauthorized possession ng regulated drugs.

Ayon kay SPO4 Danny Diaz, follow-up section chief na ang suspect ay natimbog sa isinagawang entrapment operation sa parking area ng Rockwell dakong alas-2:30 ng hapon.

Ayon kay Diaz, aktong iiniksyunan ng suspect ng silicon ang isang undercover police officer nang damputin ng kanyang mga tauhan.

Nabatid na ang entrapment operation ay isinagawa base sa reklamo ng ilan sa mga nabiktima nito.

Ayon sa isa nitong nabiktima na napag-alaman niyang ininiksyunan siya ng petroleum jelly ng suspect imbes na silicon na naging sanhi upang siya ay maimpeksyon.

Binanggit pa ni Diaz na si Agliem, na may alyas na Dr. Humps, ay sumisingil sa kanyang mga nabibiktima ng P1,500 hanggang P1,800 para sa penis enlargement operation sa pamamagitan ng silicon implant.

Nasamsam sa suspect ang mga karayom at iba pang instrumento, anesthesia, mga gamot na hindi pwedeng bilhin kung walang prescription. (Michael Punongbayan)

Show comments