2 opisyal ng EPD, 7 pa kinasuhan

Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang siyam na pulis ng Eastern Police District (EPD) kabilang ang dalawang opisyal nito nang buweltahan ng kaso ng mag-asawang una nilang inaresto ng pagtutulak ng droga sa San Juan.

Inireklamo nina Rachel Santos at Leonardo Agapito ng kasong abuse of authority, perjury at dereliction of duty sa People’s Law Enforcement Board (PLEB) ang mga pulis na sina PO3 Ronald Rioja, SPO1 Bello Borgueta, PO1’s Joseph Ulep, Neil Doligon at Arvin Genove, PO2’s Sonny Baisa, Garry Gomez at mga opisyal na sina Insps. Melchor Rosales at Norberto Liwag dahil sa umano’y command responsibilities. Ang mga ito ay pawang nakatalaga sa District Intelligence and Investigation Division (DIID) na umano’y nagtanim ng droga nang sila ay arestuhin. Abril 25, 2006 nang magsagawa umano ng buy bust operation ang pulisya sa bahay ng mag-asawa sa no. 37 San Joaquin St. Brgy. Batis, San Juan, Metro Manila kung saan nagsilbing poseur buyer si Doligon at bumili ng shabu sa halagang P300.

Agad na nagsampa ng paglabag sa Dangerous Drug Act ang mga pulis laban sa dalawa subalit pinawalang sala din ng korte dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya. Sa pagdinig sa kaso lumilitaw na walang anumang shabu na nakuha sa bahay ng dalawa at sa halip ay tinaniman na lamang ito ng mga pulis. (Edwin Balasa)

Show comments