1 dedo, 3 grabe sa rambol

Isa ang nasawi habang tatlo naman ang sugatan matapos na magrambulan ang dalawang grupo ng mga kalalakihan matapos na maungkat ang dating alitan kahapon ng umaga sa Parañaque City.

Patay na nang idating sa Olivarez General Hospital ang biktimang si Russel Espiso, 29, driver-mechanic ng no. 8263 Banaga Compound, Dr. A Santos Avenue, Brgy. San Dionisio matapos na magtamo ng iba’t ibang tama ng bala ng baril sa katawan.

Kasalukuyan namang ginagamot sa mga ospital ang iba pang sugatan na sina Jeepee Espiso, 19, Eli John Castro, 27 at Leonor Carob, 27 na tinamaan ng ligaw na bala.

Nabatid na ang suspect na si Resty Pandi, 18, lamang ang agad na nadakip ng pulisya habang pinaghahanap sina Nelson Pandi at isang alyas Marlon.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9 ng umaga sa nasabing compound nang magpang-abot ang dalawang grupo hanggang sa humantong sa suntukan at rambol. Isa sa mga suspect ang agad na bumunot ng baril at pinaputukan ang biktima kung saan natamaan si Carob ng ligaw na bala. (Lordeth Bonilla)

Show comments