Dakong alas-12:00 ng hatinggabi sisimulan ang re-routing schemes sa mga malalaking sementeryo sa Metro Manila katulad ng Manila Memorial Park sa Parañaque City, Manila South Cemetery sa Makati City, La Loma Cemetery sa Caloocan City, North at Chinese cemeteries sa Maynila, Himlayang Pilipino Memorial Park sa Quezon City at Loyola Memorial Park sa Marikina City.
Kasabay nito nanawagan din si MMDA Chairman Bayani Fernando na huwag magtinda sa mga sidewalks at bisinidad ng mga sementeryo upang maging maayos ang daanan ng dadalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Bukod dito, ang Oplan Sementeryo ng MMDA ang pagpapakalat sa buong puwersa ng traffic personnel na nakatalaga sa Traffic Operations Center (TOC), Philippine National Police (PNP), Traffic Enforcement Group (TEG) at ng local government units.
Layunin ng mga nabanggit na ahensiya na maipatupad ang implementasyon ng traffic rules at ipagbawal ang mga vendors na magsasamantala upang kumita sa kabila nang lilikhain nitong abala at perwisyo sa publiko.
Nakaantabay sa loob ng 24-oras ang pagbibigay ng MMDA ng road emergency assistance sa publiko. Maglalagay ang MMDA ng mga directional signages sa lahat ng daraanan na masasaraduhan upang hindi maligaw ang mga motorista. (Lordeth Bonilla)