Gayunman, mismong ang biktimang si Amelita Perez ng Rizal Avenue, Sta. Cruz, Manila ang humingi ng tulong sa mga roomboy ng Queensland Motel na nasa F.B. Harrison malapit sa panulukan ng EDSA bunga ng matinding pananakit ng tiyan na sanhi ng pag-inom niya ng ibat ibang uri ng tabletas sa pag-aakalang sapat na ito para siya mamatay.
Kaagad na isinugod sa San Juan de Dios Hospital ng mga roomboy ang biktima kung saang natuklasan ang ginawa niyang pag-inom ng 20 piraso ng Cortal, 20 piraso ng Diatabs at limang tabletas ng Cecon sa paniwalang sapat na ito para tapusin ang kanyang buhay.
Sa ginawang imbestigasyon ni PO3 Roderick Dean Carza ng Criminal Investigation Division (CID) ng Pasay City Police, pumasok sa Rm. No. 69 sa naturang motel ang biktima, kasama ang kanyang kasintahang nakilala lamang sa alyas na Boy dakong alas-11 ng gabi kamakalawa.
Makaraan ang tatlong oras ipinasya umano ng lalaki na ipagtapat sa kasintahan ang planong tapusin na ang kanilang relasyon na tumagal ng pitong taon at apat na buwan.
Sa kabila ng pagsusumamo umano ng babae sa kanyang kasintahan na huwag ituloy ang planong pakikipaghiwalay, tuluyan ding lumisan sa naturang motel ang lalaki at iniwanan sa loob ng inokupa nilang silid ang kasintahan.
Dahil sa labis na pagdaramdam sa naging pasya ng kasintahan, ipinasya ni Perez na magpatiwakal na lamang sa pamamagitan ng paglunok ng dala niyang mga tabletas.
Dakong alas-8:55 kahapon ng umaga ng humingi na ng tulong si Perez sa mga roomboy para dalhin siya sa pagamutan dahil na rin sa matinding pananakit ng tiyan. (Lordeth Bonilla)