Lapid kay Binay- "Walang personalan"

Umapela si Sen. Lito Lapid kay Makati City Mayor Jejomar Binay na huwag haluan ng pulitika at payagang maipalabas sa mga sinehan sa nasabing lungsod ang kanyang entry sa Metro Manila film festival na "Tatlong Baraha" kasama ang kanyang mga anak na sina Pampanga Gov. Mark Lapid at Meynard Lapid.

Ayon kay Sen. Lapid, dapat payagan ng Makati City government na maipalabas sa mga sinehan sa naturang lungsod ang kanyang pelikula dahil entry ito sa taunang Metro Manila film festival at wala namang kinalaman sa pulitika.

Umaasa naman si Lapid na hindi babahiran ng pulitika ni Mayor Binay ang nakatakdang film festival dahil bahagi ito ng pagbibigay ng entertainment sa taumbayan ngayong kapaskuhan upang pansamantalang makalimutan ng mamamayan ang mga hinaharap na suliranin ng bayan.

Aniya, sana ay hindi na maulit ang nangyari sa mga pelikulang "Batas Militar" ni Gov. Lapid kung saan ay hindi ito naipalabas sa mga sinehan sa Makati City.

"Sana ay huwag mabahiran ng pulitika ang pelikula naming "Tatlong Baraha" at payagang maipalabas ito sa sinehan sa Makati City dahil isang pamamaraan ito upang mapasaya naman natin kahit sandali ang taumbayan ngayong kapaskuhan," apela pa ni Lapid.

Magugunita na hindi naipalabas sa mga sinehan sa Makati City ang pelikulang "Batas Militar" ni Gov. Lapid pero mariing itinanggi naman ni Mayor Binay na may kinalaman siya dito dahil ang mismong mga sinehan ang nagpapasya ng mga pelikulang nais nilang kunin at ipalabas. (Rudy Andal)

Show comments