Sinisiguro ni DOH Sec. Francisco Duque III na walang magaganap na whitewash sa nasabing imbestigasyon sa pagbuo nito ng 5-man panel investigation team na binubuo ng mga doktor mula sa ibat ibang ospital at sisiguruhin din na lahat ng detalyeng makukuha ay magiging transparent.
"Kaya kumuha tayo ng mga ibang doktor galing sa ibat ibang ospital ay para masiguro na wala silang papanigan," pahayag ni Duque sa mga reporters nang personal itong magtungo sa nasabing ospital kahapon ng umaga.
Kinilala ni Duque ang mga doktor na bubuo sa panel na sina Dr. Ailene Javier, deputy director for medical service ng National Kidney Transplant Institute na siyang tatayong head ng panel; Dr. Gener Becina, department head ng National Childrens Hospital; Dr. Virgilio Castro, private doctor at consultant sa University of Santo Tomas Hospital; Carmen Buenaflor, nurse ng Philippine Heart Center at Dr. Abelardo Alera, Chairman of Hospital Infection Committee ng San Lazaro Hospital.
Bukod dito ay inatasan din ni Duque si Dr. Mercedita Gallon, undersecretary ng DOH, bilang advising secretary ng investigation team.
Binigyan ng limang araw na palugit ni Duque ang nasabing team sa kanilang imbestigasyon at para makasumite ng written report kung paano at ano ang naging dahilan ng sunud-sunod na pagkamatay ng pitong sanggol na ipinanganak sa nasabing ospital noong Oktubre 4.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon na ang ikinamatay ng mga sanggol ay neonatal sepsis, isang uri ng impeksyon sa dugo na nakukuha sa maruming kapaligiran na hindi pa kayang labanan ng mga sanggol dahil hindi pa nade-develop ang immune system ng mga ito.
Tiniyak naman ni Duque na may gugulong na ulo tungkol sa naganap na insidente kasabay ng paglilinaw na hindi sapat ang paghingi ng dispensa ni Dr. Winston Go, Medical Center Chief II ng RMC sa mga magulang ng nasawing sanggol kayat marapat lamang na managot ang mga ito sa batas kapag napatunayang may naganap na kapabayaan.
Hindi rin umano dapat isisi ang naganap na insidente sa bagyong Milenyo dahil sa pagkawala ng kuryente dahil mayroon namang dalawang generator dito.
Samantala, sinisisi rin ng mga magulang ang nasabing pagamutan at nakatakda na rin silang magsampa ng demanda laban sa pamunuan nito. (Edwin Balasa At Gemma Amargo-Garcia)