Kinilala ni PDEA Chief Director General Undersecretary Ret. Gen. Dionisio Santiago ang nasakoteng suspect na si Chief Insp. Arsenio Tancinco, nakatalaga sa PDEA Metro Manila Regional Office (MMRO).
Sinabi ni Santiago na si Tancinco ay nasakote ng pinagsanib na elemento ng PDEA, PNP-Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Force (PNP-AID-SOTF) at ng Station 6 ng Quezon City Police sa drug bust operation sa kahabaan ng Commonwealth Avenue malapit sa Bitoon Circle sa Brgy. Commonwealth ng nasabing lungsod dakong alas-8:30 ng gabi.
Ayon kay Santiago, si Tancinco ay mahigit isang buwan na isinasailalim sa masusing surveillance operations matapos ang naganap na nakawan ng P35-M shabu sa storage room ng PDEA noong Agosto 21.
Isang concerned citizen umano ang nag-tip sa PDEA hinggil sa illegal na aktibidades ni Tancinco.
Nasamsam mula sa pag-iingat ni Tancinco ang 2.8 gramo ng shabu na nakatakda sana nitong ideliber sa isang poseur-buyer.
Sa kasalukuyan, ayon pa kay Santiago, ay isinasailalim na nila sa imbestigasyon si Tancinco upang alamin kung may partisipasyon ito sa kontrobersyal na nakawan ng ebidensiyang shabu sa kanilang ahensiya.
Ang suspect ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Si Tancinco ang ikatlong opisyal ng PDEA na nasakote ng mga awtoridad matapos na magkakasunod na malambat noong Setyembre 23 sina SPO4 Glenn Logan sa tahanan nito sa Binangonan, Rizal at ang itinuturong mastermind na si Supt. Jerome Mutia noong Setyembre 18 ng taong ito.
Binigyang-diin ni Santiago na ang pagkakasakote kay Tancinco ay bahagi ng programa ng PDEA na linisin ang ahensya laban sa mga scalawags. (Joy Cantos At Angie Dela Cruz)