Pulis umawat sa away, kritikal

Nasa malubhang kalagayan ngayon ang isang pulis Mandaluyong matapos na pagsasaksakin ng dalawang lalaki kahapon ng madaling araw sa Mandaluyong City.

Kasalukuyang ginagamot sa St. Luke’s Medical Center ang biktimang si PO2 Ellecer Tuyay, Jr., 32 ng #4-C Road 2 West Crame, Quezon City matapos na magtamo ng dalawang saksak sa katawan.

Arestado naman ang mga suspect na sina Rommel Casahay, 24 at Rosendo Sinaylohan, 23, kapwa ng Bonifacio St. Mandaluyong City.

Sa imbestigasyon ni PO3 Adonis Bacarra, naganap ang insidente dakong alas-2:20 ng madaling-araw sa loob ng Dumaguete Bar and Restaurant sa Shaw Blvd., Mandaluyong.

Lumilitaw na tinawagan ng may-ari ng bar si Tuyay bunga na rin ng gulong nangyayari sa loob ng KTV sa hindi pagbabayad ng bill ng mga suspect. Subalit habang kinakausap ni Tuyay ang isa sa mga suspect ay bigla na lamang bumunot ng patalim ang isa sa mga suspect at inundayan ng saksak ang biktima. Dito na rin tumulong sa pagsaksak ang isa pang suspect.

Tinangka ng mga suspect na tumakas subalit agad din itong nadakip ng mga pulis. (Edwin Balasa)

Show comments