Nabatid kahapon kay Supt, Bernardo Tambaoan, OIC ng Southern Metro Manila Criminal Investigation and Detection Team, isa sa operatibang kasama sa Task Force Glean na sinantabi nila ang anggulong pulitika taliwas sa naging pahayag ni Binay kaugnay sa pagpaslang kay Glean noong nakaraang Sabado sa Global City sa Fort Bonifacio sa Taguig City.
Mas lamang umano ang anggulo ng paghihiganti, nawawalang milyong pisong pondo sa Philippine Guardian Brotherhood Inc. at love triangle ang mga nakalap nilang impormasyon kaugnay sa naganap na krimen.
Nabatid pa sa isinagawang pagsisiyasat na ang nasawi ay may mga kasong murder, frustrated murder sa Trece Martirez City sa Cavite noong 1987; physical injuries naman sa Brgy. Guadalupe, Makati City.
Natuklasan din ang nawawalang milyong pondo ng Guardian matapos na magkaroon ng auditing dito.
Sa anggulo ng love triangle, sinasabing ilan ding babae ang naging karelasyon ni Glean. (Lordeth Bonilla)