Sa ulat ng pulisya, nakilala ang biktima na si Keun Gi Bae sa pamamagitan ng drivers license nito na nakita sa kanyang pitaka.
Natagpuan rin sa pitaka ng biktima ang isang ID na may pangalang Lim Chui Hwan, presidente ng United Korean Business Association.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-3 ng madaling-araw namataan ng guwardiyang si Henry Untukan na sumalpok sa isang poste ng Meralco ang isang kulay puting Toyota Cressida na may plakang UUG-473 sa panulukan ng J. Velasquez at L.P. Leviste Sts., Salcedo Village, Makati City.
Namataan din nito na lumabas ang isang lalaki mula sa naturang sasakyan. Nang tunguhin ito ang kotse ay doon nakita ang duguang katawan ng Koreano kung kayat agad niya itong inireport sa pulisya.
Nagtamo ang biktima ng sampung saksak sa katawan. Inaalam pa ng pulisya kung ano ang posibleng motibo sa pagpaslang sa dayuhan at kung sino ang maaaring may gawa nito. (Lordeth Bonilla)