Ito ang depensang ibinigay ng pitong pulis-Maynila na inaakusahan ng dayuhan na humihingi sa kanya ng halagang P500,000 kapalit para sa pagpapalaya rito.
Sinabi ni MPD spokesman at General Assignment Section chief, Supt. Marcelino Pedrozo na isinailalim na nila sa sariling imbestigasyon ang mga suspect na sina Sr. Inspector Joselito Noriega; SPO2 Joselito dela Cruz; SPO2 Alfredo Ruiz; SPO1 Vicente Noriega; PO3 Teofilo Biong Jr.; PO3 Alfredo Pacoma at PO2 Jaime Salonga na pawang nakatalaga sa District Police Intelligence Unit (DPIU).
Sinabi ng mga ito na dinakip nila ang complainant na si Kauzaki Tomizawa sa reklamong illegal recruitment ng dalawang babaeng nabiktima nito. Itinanggi nila na hiningan nila ng pera si Tomizawa na pinalaya nila dahil sa naghahanap pa sila ng dagdag na ebidensiya.
Sinabi ni Pedrozo na nagpakita naman ng mga papeles ang mga pulis tanda na itinuloy ng mga ito ang pagsasampa ng kasong illegal recruitment laban sa Hapones.
Sa kabila nito, hindi naman dumalo ang mga pulis sa itinakdang imbestigasyon sa PNP-CIDG sa Camp Crame upang ipagtanggol ang kanilang sarili. (Danilo Garcia)