Seaman na nanggulpi, namaso ng lover, timbog

Arestado ang isang seaman makaraang bugbugin at pasuin ng pinakuluang kutsara ang kanyang 25-anyos na live-in-partner, kamakalawa ng hapon sa Malabon City.

Lapnos ang mukha at may mga pasa na dumulog sa Women’s and Children Concerned Desk ng Malabon City police ang biktimang si Josefina Guillermo, residente ng 226-1-B Santos St., Brgy. Tangos, Navotas.

Kasalukuyan namang nakakulong at nahaharap sa kaso ang suspect na si Edgardo Santiago, ng Vecencio St., Niyugan, Malabon City.

Sa ulat ni PO1 Flordeliza Sargan, may hawak ng kaso, dakong alas-4:30 nang mangyari ang nasabing insidente sa bahay ng suspect.

Nabatid na nagtungo sa bahay ng suspect ang biktima upang dalawin sana ang kanilang 2-anyos na anak subalit hindi ito pinapasok ng una.

Bunsod nito ay nagtatalak na nagpumilit ang biktima na pumasok sa bahay ng suspect, dahilan naman upang tuluyang magalit si Santiago at hinatak papasok sa loob ng bahay si Guillermo. Doon na sinimulang bugbugin ng suspect ang biktima at hindi pa nasiyahan ay nagpakulo pa ng kutsara at idinikit sa pisngi ng huli.

Mabilis namang nakaresponde ang mga kinauukulan at nadakip ang suspect. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments