Ayon kay Gerry Doringo, public information officer ng Navotas, upang hindi umano mapasama ang mga alaga sa maisusubasta ay kailangang tubusin agad ang mga ito sa loob ng tatlong araw na walang multa ng kanilang mga amo. At kapag lumampas sa taning na tatlong araw ay magbabayad na ang mga ito ng multang P250 hanggang P500 pataas at kung hindi matubos ay tuluyan itong isusubasta sa publiko.
Ang bawat hayop umano na isusubasta ay may katumbas na presyo at ipapaalam din sa publiko ang takdang araw at lugar ng gaganaping public auction ng mga hayop.
Isang waiver o kasunduan din umano ang lalagdan ng isang residente na bibili sa anumang isusubastang hayop at kinakailangan nitong mangakong tutupad sa ipinapairal na ordinansa ng Navotas laban sa mga gumagalang hayop, upang maiwasan ang pagmumulta o parusang ipapataw.
Ang naturang hakbang ay isasagawa matapos na mapagtibay ang ordinansa bilang 2006-11 sa Navotas na nagbabawal sa mga aso at pusa at iba pang hayop na gumala sa nabanggit na bayan kahit pa man kasama ang kanilang mga amo.
Isang apartment na kayang magkulong ng daan-daang hayop ang ipinatayo ng lokal na pamahalaan sa Bagumbayan South na dito ilalagal ang mahuhuling hayop at 24-oras ding may tatao para mangalaga sa mga mahuhuling hayop. (Rose Tamayo-Tesoro)