Lady trader tinodas sa harap ng bahay

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 42-anyos na negosyante makaraang tambangan ito ng hindi pa kilalang salarin sa harapan ng kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa Pasig City.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Pasig City General Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Edivita Arguelles, may-ari ng isang sari-sari store at residente ng #396 Interior St., Dr. Sixto Avenue, Brgy. Maybunga ng lungsod na ito.

Samantala, agad namang tumakas ang hindi pa kilalang suspect sakay ng kanyang motorsiklo.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8 ng gabi nang lumabas ng kanyang bahay ang biktima upang magpahangin.

Lingid sa kaalaman nito ay nakaabang na ang suspect hindi kalayuan at nang makita itong lumabas ay agad na pinaharurot ang motorsiklo at saka pinagbabaril ang biktima.

Saka lang umalis ang suspect sakay ng kanyang motorsiklo nang masigurong patay na ang target.

Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid sa mga anak ng biktima na may utang na malaking halaga ang kanilang ina subalit hindi rin nila matukoy kung ito ang dahilan ng pagkakapaslang dito.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya kung ano ang motibo sa pagkakapaslang at kung sino ang utak nito. (Edwin Balasa)

Show comments