Ayon kay DepEd Officer in Charge Fe Hidalgo, hindi sila magdadalawang-isip na sampahan ng kasong administratibo si Esperanza Balderes, na siyang guro ni Ma. Jessalyn Palma, grade -2 pupil sa Sucat Elementary School kung sakaling lalabas sa isinagawang imbestigasyon na ang ginawang pag-untog sa bata ang talagang naging sanhi ng kamatayan.
Sinabi pa ni Hidalgo na hihintayin nito ang resulta ng imbestigasyon ng DepEd NCR Regional Head Teresita Domalanta upang gawing basehan sa kanilang pagsasampa ng kaukulang kaso laban kay Balderes.
Gayunman, nilinaw nito na magsasagawa pa rin ng hiwalay at sariling imbestigasyon ang central office ukol dito.
Matatandaan sa tinanggap na sumbong ng pulisya na nagalit umano ang guro sa kakulitan ni Palma kaya iniuntog ito sa isa pa niyang kaklase.
Pag-uwi ng bahay ng bata ay nakaramdam na ito ng pananakit ng ulo, nangingitim at nagsusuka na dahilan upang isugod ito ng kanyang mga magulang sa Ospital ng Maynila. Limang araw na naratay ang bata sa pagamutan subalit binawian din ng buhay sanhi ng internal hemorrhage. (Edwin Balasa)