Nakilala ang nasawi na si Christian Francia, 16, first year college sa kursong aeronotics at naninirahan sa Villamor Air Base ng nabanggit na lungsod. Nagtamo ito ng ilang saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan.
Samantala, ginagamot naman sa San Juan de Dios Hospital ang kaklase niyang si Gerald Equibal.
Dalawa sa apat na suspect ang nadakip ng mga awtoridad sa isinagawang follow-up operation, ito ay nakilalang sina Vincent Quinit, 15 at Barkley Rentegrado, 13.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Pasay City Police, naganap ang insidente dakong ala-1 ng madaling araw sa harapan ng Phil. State College of Aeronautics na matatagpuan sa Manlunas St., Villamor Air Base sa nabanggit na siyudad.
Napag-alaman na nakatayo ang mga biktima sa naturang lugar, habang gamit naman ni Francia ang kanyang cellphone nang lapitan ng apat ng suspect. Agad na tinutukan ng patalim si Francia at nagdeklara ng holdap.
Pumalag si Francia, dahilan upang gulpihin muna ito ng mga suspect at saka pinagsasaksak sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Mabilis naman itong sinaklolohan ni Equibal kung saan siya naman ang pinagbalingang gulpihin at saksakin ng mga kabataang holdaper.
Matapos na duguang humandusay ang mga biktima ay agad na kinuha ng mga suspect ang cellphone ng mga ito at saka mabilis na nagsitakas.
Sa isinagawang follow-up operation nadakip naman ang dalawa sa mga ito. (Lordeth Bonilla)