Ayon kay Dante Jimenez, founding chairman ng VACC, nagsampa sila ng kasong Anti-Graft and Corrupt Practices Act kay Panganiban noong Hunyo 23 matapos ipahayag ng opisyal na "maaaring nagkamali ang Korte Suprema sa hatol na kamatayan kay Leo Echagaray."
Ikinonsidera ni Jimenez at ng tatlo pang anti-crime group na impeachable offense ang ginawa ni Panganiban dahil sa paninira ito sa pangalan ng institusyon na kanyang pinagsisilbihan at sa pagkawala ng tiwala ng publiko sa kabuuan.
Sinabi ni Jimenez na marapat lamang na palawakin at malalimang imbestigahan ng Ombudsman si Panganiban dahil sa pagkawasak ng imahe ng Korte Suprema na huling dulugan ng publiko.
Samantala, pinapurihan ng VACC ang dalawang Supreme Court Justices na sina Justice Antonio Carpio at Justice Consuelo Ynares-Santiago sa pagsambit na iresponsable ang naging pahayag ni Panganiban.
Tahasang sinabi ng VACC na isa itong pambansang trahedya, ang mga ganitong uri ng hakbang ng Chief Justice ay gumigiba sa kredibilidad ng Korte Suprema ang pinakamataas na hukuman ng bansa at huling takbuhan para makakalap ng katarungan. (Lordeth Bonilla)